2 CHINESE ARESTADO SA ‘DI REHISTRADONG COVID MEDICINES

CAVITE – Arestado ng mga tauhan ng Cavite police ang dalawang Chinese national matapos salakayin ang isang warehouse at nakumpiskang ang sari-saring mga gamot umano sa COVID-19 sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) as amended by RA 3720 in relation to RA 11469 (Bayanihan to Heal as One) ang mga suspek na sina Zhixing Chen at Lingjie Zhao alyas Kira, kapwa nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar, habang pinaghahanap ang kasamahan nilang nakatakas na si Achinglee Payoran Xu, nasa hustong gulang.

Sa ulat ni P/SMSgt. Christian Rosales ng Bacoor City Police Station, kay Cavite Provincial Director, P/Col. Marlon Santos, dakong alas-9:00 nitong Biyernes ng umaga nang salakayin sa bisa ng search warrant, sa pangunguna ni P/Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor CPS, at mga tauhan ng RSOU41 at PDEA Cavite, ang warehouse ng 9 APX Liquid Dishwashing Products Trading sa loob ng compound ng Prime Pacific United Consortium, Inc. sa  Ilaya St., Niog Road, Brgy. Niog 2, Bacoor City.

Armado ng search warrant, pinasok ng mga awtoridad, kasama si Hon. Alexander D. Felizardo, ang warehouse na kung saan naabutan ang dalawang Chinese national habang inaayos ang mga kahon ng gamot.

Nakumpiska mula sa warehouse ang 27 malalaking kahon ng gamot na ang bawat isa ay naglalaman ng may 10,800 maliliit na kahon na naglalaman ng mga kapsula.

May mga label na Lianhua Qingwen Jiaonang ang mga gamot na Chinese medicine na umano’y para sa COVID-19.

Ang nakumpiskang mga gamot ay ilegal at hindi umano nakarehistro sa Bureau of Food and Drugs Administration (BFAD).

Inaalam ng pulisya kung posibleng ang nasabing mga gamot ay kabilang sa ipinadalang mga gamot sa isang sinalakay na ilegal na ospital sa isa sa villas sa Fontana Leisure Park sa Pampanga na ginawang makeshift medical facility para sa mga Chinese na hinihinalang COVID patients noong Mayo 19, 2020. (SIGFRED ADSUARA)

164

Related posts

Leave a Comment