NASAGIP ng mga awtoridad ang isang taong gulang na sanggol matapos umanong tangkain itong ibenta online ng sariling ina sa halagang P8,000 sa Pasig City.
Ayon kay Anti-Cybercrime Group (ACG) Director BGen. Wilson Asueta, nadiskubre ang iligal na gawain sa pamamagitan ng pinaigting na cyber patrol, matapos matunton ang isang Facebook post na nag-aalok ng bata para sa “adoption” kapalit ng pera.
Isang cyber patroller ang nakipag-ugnayan sa suspek at nagkunwaring interesado, hanggang sa mapagkasunduan ang personal na transaksyon sa Pasig City kapalit ng ₱8,000.
Dito ikinasa ang entrapment operation, katuwang ang Northern District Anti-Cybercrime Team at Pasig City Social Welfare and Development Office, na nagresulta sa pag-aresto sa ina at pagsagip sa sanggol.
Sa imbestigasyon, lumabas na may naibenta na umano noon ang suspek na isa pang anak, ayon kay Asueta.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Pasig CSWDO ang sanggol, habang nahaharap ang ina sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
(TOTO NABAJA)
13
