PATAY ang isang Philippine Coast Guard officer matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng national highway sa Veterans Village, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Kinilala ng Zamboanga Sibugay PNP ang biktima na si Lt. (JG) Glennick Ytang, 32-anyos, residente ng Brgy. Cabantian, Davao City, at kasalukuyang commander ng Coast Guard Ipil Sub-Station.
Ayon kay Major Marjan Sali, hepe ng Ipil Police, natagpuan ang biktima na duguan at wala nang buhay sa loob ng kanyang pick-up truck, may mga tama ng bala sa ulo at dibdib na naging sanhi ng agarang pagkamatay.
Sa paunang imbestigasyon, kakabalik lamang umano ng biktima sa kanyang sasakyan matapos bumili ng kape sa kalapit na tindahan at naglalakad habang may kausap sa cellphone nang barilin.
Mabilis na tumakas ang suspek patungong RT Lim sakay ng isang gateway motorcycle matapos paulit-ulit na paputukan ang opisyal.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang dalawang deformed slugs at anim na basyo ng kalibreng 9mm.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga homicide probers upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.
(JESSE RUIZ)
10
