2 ESTAPADORA SWAK SA SELDA

NASADLAK sa likod ng rehas na bakal ng Manila Police District ang dalawang dalaga makaraang madakip sa kasong estafa sa bisa ng warrant of arrest sa panulukan ng Vicente at S.H. Loyola Streets, Sampaloc, at Ermita, Manila, iniulat ng pulisya.

Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas “Liewilyn” vendor, at alyas “Trizhia”, 20, college student.

Unang inaresto ang estudyante bandang alas-10:00 ng umaga sa panulukan ng San Marcelino at Natividad Lopez Streets sa Ermita, Manila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Caroline Lacsamana Tobias, ng Regional Trial Court Branch 7 ng Manila, na may petsang Agosto 10, 2023, at inirekomenda ng korte ang P30,000 halaga ng pyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Inaresto ang suspek sa pangunguna ni Police Captain Jerry Campo, hepe ng District Warrant and Subpoena Section ng MPD, ayon sa sa direktiba ni Police Major Alfredo Tan Jr., ng Criminal Investigation Section, at inasistehan naman ni Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., hepe ng Directorate for Investigation Detective Management Division (DIDMD).

Samantala, ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, station commander ng Sampaloc Police Station 4, bandang alas-2:30 ng hapon nang maaresto naman si alyas “Liewilyn” sa Sampaloc, Manila makaraan ang ilang araw na surveillance operation.

Inaresto ang suspek sa pangunguna ni Police Executive Master Sergeant Luis Coderes, hepe ng Station Warrant and Intel Section, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Paul Agabin-Flor, ng Metropolitan Trial Court, Branch 20 ng Manila, na may petsang Agosto 14, 2023.

Iniutos ng korte na maglagak ng piyansang P18,000 ang akusado para sa pansamantala nitong paglaya.

(RENE CRISOSTOMO)

160

Related posts

Leave a Comment