LEYTE – Dalawang dating pulis at dalawang iba pa ang patay makaraang paulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek ang sinasakyang pick-up truck sa Barangay Libertad sa bayan ng Palo sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Palo Municipal Police Office, dead on the spot sa ambush sina Constantino Torre, dating pulis, residente ng naturang lugar; at Dennis Monteza na isa ring retired police.
Habang idineklarang dead on arrival naman sa ospital ang dalawang kasama nila na nagngangalang Ian Pat Dolina na pinaniniwalaang high value target at residente ng Palo, Leyte, at si Maritess Pami na residente naman ng Macaalang, Dagami, Leyte.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaril.
Habang iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung bakit magkakasama ang mga biktima.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon ng mga tauhan ni P/Maj. Joemen Collado, hepe ng Palo Philippine National Police, lulan ng puting Ford Ranger pick-up ang mga biktima nang biglang tambangan ng hindi kilalang mga suspek na lulan din ng isa pang sasakyan.
Sinasabing habang tumatakbo ang sasakyan mga biktima sa national road sakop ng barangay Libertdad, nang dinikitan sila ng mga salarin at pinaulanan ng punglo na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Kasalukuyang naghahanap pa ng mga testigo ang mga imbestigador kasabay ng pagbabakasakaling may nakakuha ng plaka ng sasakyan ng mga suspek sa highway o CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon. (JESSE KABEL)
