2 GRUPO NG MGA TULAK NAGSAGUPA, 1 ARESTADO

QUEZON – Isang lalaki ang nadakip matapos magsagupa ang dalawang grupo ng hinihinalang mga sangkot sa ilegal na droga sa bayan ng Candelaria sa lalawigan.

Nangyari ang sagupaan bandang alas-diyes y medya ng gabi noong Linggo, Mayo 18, sa Sitio Bagongbong, Brgy. Malabanban Sur sa nasabing bayan.

Agad nagresponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat hinggil sa naririnig na palitan ng putok sa lugar.

Nagpalitan ng putok ang magkalabang grupo ng mga suspek gamit ang iba’t ibang uri ang mga armas at pagkatapos ay naghiwa-hiwalay upang tumakas.

Nagresulta ang agarang pagtugis ng mga awtoridad sa pagkakaaresto kay alyas “Johnny”, 43, isang mekaniko, residente ng Brgy. San Antonio, San Pedro, Laguna na nakumpiskahan ng hindi lisensyadong armas.

Nakatakas naman ang dalawang kasama nito na sina alyas “Richard”, taga Muntinlupa City, at “Dodong”, residente ng Las Piñas City.

Nakita rin sa pinangyarihan ng insidente ang iba’t ibang mga basyo ng bala, slug at mga magazine na naiwan ng mga suspek sa kanilang pagtakas.

Naiwan din sa lugar ang isang Ford Everest na may plate number ZCG-575, na natadtad ng tama ng bala.

Patuloy ngayon ang paghahanap sa iba pang kasamahan ng nadakip na suspek at kanilang nakalabang grupo.

Ayon sa pulisya, posibleng awayan sa ilegal na aktibidad o agaw-droga ang sanhi ng engkwentro.

(NILOU DEL CARMEN)

33

Related posts

Leave a Comment