2 HOLDAPER HULI SA HOT PURSUIT OPS NG PNP-BICOL

ARESTADO ang dalawang holdaper nang makorner ng mga tauhan ng ng Labo MPS sa isinagawang hot pursuit operation noong Agosto 2 sa Hillcrest Subdivision, Brgy. Bulhao, Labo, Camarines Norte.

Ito ay matapos dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima ng mga suspek na sina Velmar Ortua y Mañago, 20, at Roel Ortua y Paitan, 18, kapwa residente ng Purok 2, Barangay Malasugui, Labo, Camarines Norte.

Ayon sa salaysay ng biktima, habang naghihintay siya ng masasakyan pauwi dakong alas-7:10 ng gabi nang holdapin siya ng mga suspek at tinangay ang kanyang cellphone at pagkaraan ay tumakas lulan ng tricycle na may body number na 1143 POBALATODA.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Labo MPS at natunton ang mga suspek at nadakip dakong alas-9:15 ng gabi.

Nakuha mula sa mga suspek ang asul na sling bag na naglalaman ng tatlong yunit ng cellphone, dalawang sachet ng umano’y shabu at isang replica ng .45 kalibre ng baril.

Agad dinala ng Labo MPS ang mga suspek na nahaharap sa kasong robbery holdup at paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pinapurihan naman ni P/BGen. Jonnel C. Esetomo, Regional Director, PNP-PRO5, ang mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Labo MPS na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.

Aniya, ito ay paraan upang mapigilan ang iba pang mga katulad na insidenteng maaaring gawin ng mga kawatang ito.

Hinihikayat ng Kasurog Bicol ang publiko na agad na ipagbigay-alam sa pulisya ang ganitong mga insidente upang mas mapabilis ang pagresolba ng suliraning panseguridad na kinahaharap ng komunidad. (JESSE KABEL)

138

Related posts

Leave a Comment