BACOLOD CITY – Dalawang drug personalities na itinuturing na high value targets ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency habang target naman ng manhunt operation ang isang nakatakas sa operasyon sa lungsod.
Ayon sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng PDEA sa Quezon City, bandang alas-11:35 ng umaga noong Oktubre 23,2025, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDE-Regional Office Negros Island Region-Negros Occidental Provincial Office (PDEA RO NIR-NOCPO), kasama ang PDEA RO-NIR Seaport Interdiction Unit (SIU) at ang Bacolod City Police Station 7, sa Zone 5, Progreso Village 1, Barangay Vista Alegre, Bacolod City.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng dalawang personalidad sa droga, kabilang ang isang High-Value Target (HVT), habang isang suspek naman ang nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap.
Kinilala ang naarestong mga suspek na sina alyas “Irene”, 40, residente ng Zone 5, Progreso Village 1, Brgy. Vista Alegre, Bacolod City – (HVT) at “Dave”, 18, residente ng Purok Calantas, Abada Escay, Brgy. Vista Alegre, Bacolod City – (Non-HVT)
Habang pinaghahanap naman si alyas “Jhonghel”, 22, residente ng Zone 5, Progreso Village 1, Brgy. Vista Alegre, Bacolod City.
Nasamsam sa operasyon ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 15 gramo, dalawang improvised tooter na may hinihinalang residue ng shabu, kasama ng hindi drogang mga ebidensya tulad ng buy-bust money, tatlong disposable lighters, isang sling bag, at isang identification card.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12, Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak ng PDEA sa publiko na isinasagawa na ang follow-up operations upang maaresto ang natitirang suspek na tumakas.
Patuloy ang PDEA Regional Office–Negros Island Region (PDEA RO-NIR) sa walang humpay na kampanya laban sa ilegal na droga — upang maprotektahan ang mga komunidad at matiyak ang isang ligtas at maayos na Negros Island Region.
(JESSE RUIZ)
12
