CAGAYAN DE ORO CITY – Tinatayang aabot sa P6 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 10 (PDEA-RO10) sa isinagawang anti-narcotics operation sa lungsod.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nagsagawa ng isang joint anti-drug operation na pinangunahan ng PDEA 10 – Misamis Oriental Provincial Office, katuwang ang PDEA 10 RSET, PNP 10 CIB, at COCPO Police Station 2, na nagresulta sa pagkakadakip sa isang high value target.
Inilunsad ang buy-bust operation noong Miyerkoles ng umaga sa Limketkai Drive, Barangay 35, Cagayan de Oro City.
Isang vacuum-sealed transparent cellophane bag na naglalaman ng hinihinalang shabu o crystal meth na tinatayang nasa isang kilo na may street value na aabot sa P6,800,000, ang nakuha sa suspek.
Kabilang sa non-drug items na nasamsam ng mga awtoridad ang isang earbud case, Chinese tea bag, brown paper bag, transparent plastic cellophane, isang genuine P100.00 bill, at buy-bust money na ipinatong sa sampung bundles ng boodle money.
Kinilala ang nadakip na drug personality na si alyas “Boss”, 27-anyos, may asawa at tubong Malungun, Maguing, Lanao del Sur.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“This operation sends a strong message: the fight against illegal drugs is relentless, and those involved will be held accountable,” ani Nerez.
(JESSE RUIZ)
19
