NANG-ENGGANYO SA MGA PINOY PAPUNTANG LAOS, ARESTADO

ARESTADO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking itinuro ng apat na biktima ng human trafficking bilang utak ng pagre-recruit sa kanila papuntang Laos para magtrabaho bilang mga online scammer.

Kinilala ng NBI ang suspek na si Jarwin Satinitigan, na ngayon ay nahaharap sa kasong large-scale illegal recruitment sa ilalim ng Republic Act (RA) 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, at qualified trafficking in persons sa ilalim ng RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Ayon sa NBI, ginamit umano ni Satinitigan ang panlilinlang at pang-aabuso sa kahirapan ng kanyang mga kababayan para maakit silang magtrabaho sa ibang bansa. Pinangakuan umano niya ang mga ito ng trabaho bilang customer representative (CSR) sa Laos, ngunit pagdating doon ay ginamit sila bilang scammers.

“Pinilit silang makipag-chat sa mga dayuhan mula Amerika, France, UK, Malaysia, at Indonesia para hikayatin ang mga ito na mamuhunan sa isang pekeng TikTok Shop,” ayon sa ulat ng NBI.

Nang mabisto ng mga biktima ang modus, humingi sila ng tulong sa Philippine Embassy sa Vientiane, na agad namang tumulong para sila ay mapauwi sa bansa.

Nadiskubre rin ng NBI na hindi lisensyado si Satinitigan na magrekrut ng mga manggagawa para sa trabaho sa ibang bansa, base sa sertipikasyong inilabas ng Licensing and Regulation Bureau ng Department of Migrant Workers (LRB-DMW).

Kasama umano si Satinitigan sa apat na Pilipinong pinauwi mula sa Laos matapos mabunyag ang operasyon ng sindikato ng online scam.

(CHAI JULIAN)

17

Related posts

Leave a Comment