DALAWANG high value target ang napatay nang manlaban sa ikinasang law enforcement operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine Army 6th Infantry (Kampilan) Division at PNP sa Sitio Calumpangan, Brgy. Balacayon, Pigcawayan, North Cotabato noong Mayo 18, 2022.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, base sa ibinahaging report ni Major General Juvymax Uy, ng Joint Task Force Central, at 6th ID commander, napatay sa kanilang ikinasang anti-narcotics operation sina Datu Romah Malang Mastura alyas
“Mamako” at Ebrahim Samama, kapwa high value drug personalities.
Dalawang kasamahan din ng mga suspek ang nadakip na kinilalang sina Guiahed Akmad Toting, 24, at Ali Kamsa Guilay, 24.
Nabatid na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na puwersa ng drug law enforcement unit ng PDEA at military na nagsilbing augmentation force, laban sa grupo ni alyas Ebs, isang pugante na kabilang sa mga nakatakas sa jailbreak sa Cotabato Police Provincial Office noong 2017.
Samantala, sinabi naman ni MGen. Uy na ang nasabing grupo ay iniulat na nagbibigay ng suportang pananalapi at armas at iba pang logistik sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya (DI) na kumikilos sa lugar.
Aniya “Ang palitan ng putok sa pagitan ng grupo ni alyas Ebs at pwersa ng gobyerno ay tumagal ng humigit-kumulang limang minuto na nagresulta sa pagkamatay nina Mastura at Samama at umatras ang kalaban patungo sa direksyong timog.
Kaugnay nito, patuloy na tinutugis ng tropa ng gobyerno ang tumakas na mga suspek. (JESSE KABEL)
