CAVITE – Patay ang dalawa katao habang isa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng grupo ng karibal ng isa sa mga biktima sa madugong insidente dahil sa love triangle sa bayan ng Naic sa lalawigang ito noong Huwebes ng gabi.
Isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang mga biktimang sina Lennox Nuguid, 24; Rico Mariscotes, 23, at John Aldy Bendijo, 24, ngunit hindi umabot ng buhay sina Nuguid at Mariscotes.
Arestado naman sa isinagawang follow-up operation si Joshua Mojica y Mojica, alyas “Jotjot”, 25, habang pinaghahanap ang kasamahan nito na sina John Zyrus Tafalla y Mojica alyas “Laloy” at Janiel Tafalla y Mojica alyas “Janiel”, 25-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Richard Atienza ng Naic Police Station, bago ang insidente, nalaman ni alyas Laloy na may namumuong relasyon sa pagitan ng kanyang common law wife na si Trisha Reyes at si Bendijo. Ito umano ang dahilan kung bakit sinaktan ni Laloy si Trisha.
Napag-alaman, niyaya umano ni Laloy ang kasamahan na sina Janiel at Jotjot na mag-inuman at kanilang pinagplanuhan na abangan si Bendijo paglabas nito sa trabaho.
Ang usapan ng tatlong suspek ay narinig ni Trisha kaya ipinaalam nito kay Bendijo kaya tumawag ang huli sa kanyang mga kaibigan na sunduin siya paglabas nito sa kanyang trabaho.
Pag-uwi ni Bendijo galing sa trabaho dakong alas-8:00 ng gabi, inabangan ito ng grupo ni Laloy sa Brgy. Palangue 3, Naic, Cavite at hinarang ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Kinompronta ni Laloy si Bendijo hinggil sa relasyon nito sa kanyang kinakasama na nauwi sa labo-labo hanggang sa nakarinig ng ilang putok ng baril.
Pagkaraan ay nakitang nakabulagta ang tatlong biktima habang ang mga suspek ay mabilis na tumakas.
Idineklarang dead on arrival sina Nuguid at Mariscotes habang sugatan si Bendijo.
Naaresto naman si Jotjot sa isinagawang follow-up operation ng Naic police.
Natagpuan sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng kalibre .38 na baril. (SIGFRED ADSUARA)
143
