DALAWANG notoryus na miyembro ng kidnap for ransom group ang nadakip ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.
Ayon kay P/BGen. Estomo, nadakip sa law enforcement operation si Gabriel Garcia Rabi bandang alas-6:20 ng hapon noong Biyernes sa Road 4, Pasay City, habang alas-11:50 ng gabi naman nadakip si Billy Relcopan Rocillo sa Love St., Multi-national Village, Parañaque City, ng mga tauhan ng PNP-AKG ICMD, sa pamumuno ni P/Lt. Maleo David V. Manzano.
Sa impormasyong ibinahagi ni PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col. Rannie Lumatod, tumagal ng apat na taon ang pagtatago ng dalawang suspek bago natunton ng mga operatiba ng ICMD.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention.
Ang mga suspek ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Marlo A. Magdoza-Malagar, presiding judge ng RTC Branch 19, National Capital Judicial Region, Manila.
Walang inirekomedang pyansa ang korte para sa nasabing mga suspek.
Sinasabing sangkot ang dalawa sa Denzel Gomez kidnap for ransom case kung saan ang 19-anyos na estudyante ng San Juan de Letran University ay dinukot umano ng mga kapwa estudyante sa Lawton Manila noong Agosto 1, 2018 at pinatubos sa halagang P30 milyon.
Dalawang araw ang nakalipas ay nasagip ng PNP-AKG si Gomez sa No. 285 Naval St., Brgy. 132, Zone 11, District 1, Balut, Tonto, Manila at naaresto sina Jhulius de Leon Atabay, Ferdinand P. dela Vega Jr., Ralph Emmanuel P. Camaya at Justine B. Mahipus na pawang nakakulong na sa Manila City Jail.
Habang anim pa ang nanatiling nagtatago hanggang sa mahuli si Gabriel Rabi na itinuro naman sa mga awtoridad ang pinagtataguan ng kanyang mga kasamahan.
Nabatid na sa matiyagang pananaliksik sa social media at intensive casing and surveillance operation ay nadakip ang dalawang suspek.
Ayon kay Col. Lumactod, “The world is moving so fast that the man who says it can’t be done is interrupted by someone doing it”. JESSE KABEL
