2 LALAKI TIMBOG SA P3.9-M VAPES SA PARAÑAQUE

ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang lalaki sa pagbebenta ng illegal vapes sa ikinasang entrapment operation sa Parañaque City noong Miyerkoles.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Reginald”, 28-anyos, at alyas “Ace”, 23-anyos, iniharap sa media makaraang isailalim sa inquest proceedings sa Parañaque City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act).

Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, dahil sa impormasyon sa pagbebenta ng mga suspek ng ilegal na vapes, kumuha ng certification sa Department of Trade and Industry – Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products (DTI-OSMV) ang NBI-Cavite North District Office (CAVIDO-North) na nagsasaad na unregulated at substandard ang ibinibenta ng mga ito, bago ikinasa ang entrapment operation laban sa mga ito.

Nasamsam sa dalawang suspek ang 46 master cases na naglalaman ng 8,200 piraso ng vape pod, 1,600 na piraso ng vape device at iba pa na aabot sa P3,920,000.00 ang halaga.

(RENE CRISOSTOMO)

87

Related posts

Leave a Comment