NAKIUSAP ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga service provider na huwag munang putulin ang pangunahing serbisyo sa mga hospital, eskuwelahan at opisina na pinatatakbo ng Manila LGU lalo na ngayong dumaranas ng matinding krisis sa pananalapi ang lungsod.
Sa pakikipagdiyalogo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, inilahad niya na nakatanggap ang Manila LGU ng disconnection notices dahil sa hindi nabayaraang bills na nagkakahalaga ng P113,596,710.54, na sumasaklaw sa kuryente, tubig at internet service sa mga eskuwelahan, ospital at iba pang pasilidad ng pamahalaan sa siyudad
Kabilang sa pinakiusapan ng alkalde ay ang Meralco, Maynilad, Manila Water, PLDT, Globe Telecom, Smart Communications, Converge ICT at Cignal TV, dahil wala aniyang kapera-pera ang pamahalaang lungsod.
Paglilinaw naman ng alkalde, bahagi ng reality check na nagkaroon ng malalang financial mismanagement ang gobyerno ng Maynila at wala siyang sinisisi.
Natuklasan din ng alkalde na may P300-milyon na bayarin sa buwis sa Bureau of Internal Revenue, na kanyang dinatnan.
Ito ay bukod pa sa P113,596,710.54 na hindi nabayarang bills.
Humingi ng dalawang buwang palugit si Mayor Isko sa mga service provider upang makapag-adjust hanggang sa malutas ang krisis sa pinansiyal ng lungsod at mabayaran ang nakapalaking pagkakautang.
“Lahat ng naikubling singilin, itinago o ipinagkaila, ngayon bumubulagta sa amin,” saad ng alkalde.
Umapela si Domagoso ng pang-unawa mula sa mga service provider, at humihiling ng dalawang buwang pagpapaliban sa pagbayad upang mabigyang-daan ang lungsod na lutasin ang mga isyu nito sa pananalapi para matugunan ang hindi pa nababayarang mga bayarin.
“Pwede ba makisuyo, huwag niyo muna kami putulan ng kuryente, tubig, internet? Pagbalik ninyo sa mga boss niyo, sabihin ninyo, bigyan niyo kami ng breathing room,” pakiusap ni Domagoso.
Idinagdag niya na ang anomang magagamit na savings ng lungsod – kabilang ang mga pondo na nakuhang muli mula sa 5,930 job order workers – ay gagamitin upang bayaran ang mga kagyat na obligasyon.
(JOCELYN DOMENDEN)
