PARA maging bahagi ng road safety measures, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng jeepney driver na sangkot sa malalang road crash sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Abril 13, ngayong taon.
Nabatid na ang insidente ay nagresulta sa pagkamatay ng dalawang estudyante sa kolehiyo at hindi bababa sa 16 na iba pang mga pasahero ang nasugatan.
Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, napatunayang guilty sa kasong reckless driving ang driver ng pampasaherong jeepney sa isinagawang imbestigasyon ng LTO.
Kaugnay nito, pinagmulta siya ng maximum penalty na pinapayagan sa ilalim ng batas na P2,000.
“Inaprubahan ko rin ang pagbawi ng lisensiya sa pagmamaneho ng jeepney driver dahil sa pagiging hindi tamang tao sa pagpapatakbo ng sasakyan,” ani Asec. Mendoza.
Ayon sa imbestigasyon ng LTO, ang nasaging pampasaherong jeep ay bumangga sa isa pang sasakyan habang mabilis na bumibiyahe sa Commonwealth Avenue.
Bunsod nito, tumagilid ang pampasaherong jeepney na nagresulta sa pagtilapon ng dalawang estudyante na namatay sa nasabing insidente, habang hindi bababa sa 16 na iba pang mga pasahero ng jeepney ang nasugatan.
Sa desisyong nilagdaan ni Asec Mendoza, nakasaad dito na malinaw na nilabag ng jeepney driver ang alituntunin hinggil sa reckless driving hindi lamang para sa mabilis na pagbibiyahe kundi maging sa labas ng designated lane para sa mga public utility vehicle sa Commonwealth Avenue.
Ang iba pang mga pangyayari na kinabibilangan ng kabiguan na bawasan ang bilis sa pababang bahagi ng kalsada at ang nagresultang pagbangga sa kalsada ay naging dahilan upang ang driver ng jeepney ay ituring na hindi karapat-dapat magmaneho ng sasakyang de-motor.
(PAOLO SANTOS)
