DALAWANG lalaking kapwa lasing ang nalunod sa magkahiwalay na insidente sa Cavinti, Laguna, at Lucena City.
Sa Laguna, nalunod ang painter na si Nilo Amore, 53, taga Batangas City, matapos na mahulog mula sa sinasakyang kayak habang tumatawid sa lawa sa Brgy. Inao-awan sa bayan ng Cavinti.
Galing umano sa inuman ang biktima kasama ang dalawang katrabaho sa construction site, at pauwi na sa kanilang barracks nang mawalan ito ng balanse at mahulog sa tubig dakong alas-9:30 noong Lunes ng gabi.
Sinubukan pa itong sagipin ng dalawang kasama at nagrespondeng mga mangingisda at barangay officials subalit tuluyan itong nawala sa tubig.
Bandang alas-8:30 noong Martes ng umaga nang makita ng mga rescuer ang wala nang buhay na biktima sa kailaliman ng lawa.
Sa Lucena City, nalunod naman ang 48-anyos na scrap collector na si Bernie Gruta sa ilog sa Barangay Ilayang Iyam.
Nakainom umano ang biktima at naglalakad sa baybay ilog nang madulas ito sa batuhan at mahulog sa tubig pasado alas-12:00 ng tanghali.
Agad itong tinangay ng agos patungo sa malalim na bahagi. Wala na itong buhay nang matagpuan ng mga rescuer makalipas ang ilang oras. (NILOU DEL CARMEN)
