PINAGPAPALIWANAG at pinatatanggal sa pwesto ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang dalawang matataas na opisyal ng Land Transportation Office-Central Visayas (LTO-7) kaugnay sa umano’y P8 milyong buwanang “koleksyon” sa rehiyon.
Labis na ikinagalit ng kalihim ang isyu nang bumisita siya sa Cebu noong Pebrero 20 para inspeksyunin ang paghahanda sa Mactan-Cebu International Airport kaugnay ng 2026 ASEAN Summit.
Ayon sa source, doon isinumbong kay Lopez ang umano’y P8-million monthly collection scheme sa LTO-7.
“Si Sec. Lopez ay halatang galit. Sinabi sa kanya na ang LTO-7 ay diumano’y nangongolekta ng P8 milyon kada buwan at sinasabi ang mga pangalan ng mga opisyal mula sa central office,” ani ng source.
Mas mabigat pa ang alegasyon na ginagamit umano ng mga sangkot ang pangalan ng ilang opisyal sa DOTr central office, kabilang ang isang undersecretary, at sinasabing para umano sa kanila ang pondo.
Direktang hinarap ni Lopez ang dalawang opisyal at inutusan umano ang mga ito na tukuyin kung sino ang nag-utos sa kanila.
“Sinabi niya na sisiguraduhin niyang matatanggal sila sa kanilang mga post kahit maubos ang trabaho niya,” dagdag ng source.
Matapos ang insidente, agad umanong tumigil ang buwanang koleksyon sa Central Visayas. Hindi pa malinaw kung magsasagawa ng pormal na imbestigasyon ang mga awtoridad.
(PAOLO SANTOS)
1
