2 MMDA TRAFFIC ENFORCERS, SUSPENDIDO SA PANGINGIKIL

DALAWANG traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang iniimbestigahan dahil umano’y sa pangingikil sa isang driver ng pribadong sasakyan sa Quezon City noong Biyernes.

Habang iniimbestigahan sina Edmon Belleca at Christian Malemit, sinunspinde sila ng 90-araw ni MMDA Chairman Benjamin “Benhur Abalos, Jr.

Sina Belleca at Malemit ay regular na mga empleyado ng MMDA.

Ang aksyon ni Abalos ay ibinatay sa kuhang video sa umano’y panghihingi ng dalawang traffic enforcer ng P1,000 kay Miriel Custodio kapalit ng hindi nila pagtuloy na tikitan ang naturang lumabag sa Republic Act 10913, o Anti-Distracted Driving Act and Reckless Driving.

Ang insidenteng nangyari noong hapon ng Abril 23 sa kanto ng EDSA at A. Bonifacio (patungong NLEX) ay nag-viral sa social media.

“I am very angry with what they did, they have besmirched the name of the agency. However, administrative procedures require that they be given due process,” saad ni Abalos.

Idiniin ni Abalos na kailanman ay hindi pinahihintulutan ng MMDA ang pangingikil ng mga traffic enforcer nito sa mga driver.

Matatanggal sa MMDA sina Belleca at Malemit kapag napatunayang nangikil ang dalawa kay Custodio.

Matagal nang reklamo ng maraming tsuper ang pangingikil ng mga MMDA traffic enforcer bago pa man naging hepe ng nasabing ahensya si Abalos. (NELSON S. BADILLA)

210

Related posts

Leave a Comment