DALAWANG mobile precinct ang magroronda sa kahabaan ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway matapos masawi ang isang motovlogger dahilan para paigtingin ng Rizal PNP ang kanilang pagbabantay katuwang ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ni PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal PNP, ang nasabing de-gulong na presinto o Blue Cops on Mobile Wheels (BCMW) ay dagdag na itinayo para sa 7 maliliit na grupo ng mga pulis sa pitong strategic location o lugar na kung saan madalas tambayan ng mga pasaway na motovloggers.
“Actually, ang Marilaque ay 100 kilometers mahigit yan eh. Pero mag-focus lang tayo dun sa tinatambayan ng mga riders, ‘yong mga dangerous curves. Pitong strategic points ang lalagyan natin,” ang pahayag ni Maraggun.
Idinagdag pa ni Maraggun, kaya nangyari ang nasabing aksidente ay dahil sinamantala ng riders na umalis ang mga pulis dahil may nirespondehan na insidente sa bayan ng Tanay.
“Hindi naman natin pwedeng gawin na babantayan sila na parang mga bata. May pulis dyan [sa area] araw-araw lalo na ‘pag weekend. Ngayon ay mas maganda na dahil pati HPG ay kasama na namin,” sabi pa ng provincial director.
Ayon pa kay Maraggun, ang masaklap pa aniya, walang dalang driver’s license ang motovlogger na si Motopush o John Louie Arguelles sa tunay na pangalan, nang ito ay mamatay sa aksidente.
Matatandaan na naging viral ang isang video kung saan dalawang rider ang nag-uunahan at nagkagitgitan, nawalan ng kontrol at nagkabanggaan hanggang sa sumalpok sila sa mga nanonood sa gilid ng highway sa Tanay, Rizal.
Ang binanggit na pitong lokasyon sa nasabing highway ay paboritong tambayan ng mga rider at motovloggers dahil sa pakurbada nitong bahagi kung saan dito nagkakarerahan habang nirerekord sa video para i-post sa social media. (NEP CASTILLO)
14