CAVITE – Tinatayang P70,000 halaga ng cash at gadgets at ilang dokumento ang tinangay ng isang hinihinalang miyembro ng basag-kotse gang matapos atakehin ang sasakyan ng dalawang beterinaryo sa parking area ng isang restaurant sa bayan ng Silang noong Miyerkoles ng hapon.
Personal na nagreklamo sa tanggapan ng Silang Police Station ang mga biktimang sina Jesus Raymondo, 50, at Edwin Lajara, 58-anyos.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon nang iparada ni Raymundo ang kanyang Toyota Hilux na may plakang NEC 312, kasunod ang sasakyan ni Lajara na isang Toyota Hilux na may plakang WBO 152, sa parking area ng isang restaurant sa Brgy. San Vicente 2, Silang Cavite.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang bumalik ang dalawa sa parking area ay basag na ang kaliwang bintana ng sasakyan ni Raymondo habang basag din ang kanang bintana ng sasakyan ni Lajara, at nawawala ang kanilang cash, gadgets at ilang mahalagang mga dokumento.
Base sa footage ng CCTV, bandang alas-3:55 ng hapon nang umatake ang suspek sa sasakyan ni Raymundo at makalipas ang ilang minuto, muli itong bumalik at inatake naman ang sasakyan ni Lajara.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng pula at blue na jacket, itim na pantalon at sakay ng isang itim na motorsiklong NMAX. (SIGFRED ADSUARA)
