MAHIGIT P300,000 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa inilatag na buy-bust operation nitong Huwebes ng madaling araw sa Malate, Manila.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District – Malate Police Station 9, ang dalawang suspek na sina Joel Boco, at Rolando Hicks Jr., kapwa 42-anyos at residente ng Malate, Manila.
Base sa ipinarating na ulat ni Police Major Salvador Iñigo Jr., hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), bandang alas-12:10 ng madaling araw nang ikasa ang buy-bust operation sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 5 pirasong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang 56 gramo katumbas ng halagang P380,800.
Ayon kay Police Staff Sergeant Jayson B. Verzosa, ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
