DALAWANG miyembro ng New People’s Army ang napaslang habang at 12 high powered firearms ang nasamsam ng pinagsamang pwersa ng Philippine Army at PNP Police Regional Office 5 sa inilunsad na anti-communist terrorist group (CTG) operation sa Barangay Bongalon, Sagñay, Camarines Sur.
Ayon sa ulat na isinumite kay Army MGen. Henry A. Robinson Jr. commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia, bandang alas-10:45 ng umaga nang makasagupa ng 83rd Infantry Battalion (83IB), katuwang ang PNP-PRO5, ang 20 CTG members sa Barangay Bongalon, sa bayan ng Sagñay.
Makaraan ang 30 minutong bakbakan, dalawang communist NPA terrorists (CNTs) ang nakitang patay habang 12 high-powered firearms na binubuo ng walong M16 armalite rifle, dalawang M14 rifles at dalawang M653 rifles, mga bala, magazines at personal belongings ang nasamsam sa isinagawang clearing operation sa encounter site.
Ayon kay Lt. Col. Clark Dalumbar, Battalion commander ng 83IB, nakatanggap sila ng sumbong mula sa ilang residente hinggil sa CNTs na nagre-recruit ng mga bagong kasapi kaya nakipag-ugnayan sila sa local police upang suyurin ang lugar.
Muling napatunayan na malaking bagay ang ‘interoperability’ ng Army at pulis sa patuloy na pagsawata sa CTG, pahayag naman ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo.
“Ang hanay ng kapulisan ay mananatiling katuwang ng kasundaluhan sa pagtunton sa kinaroroonan ng mga teroristang ito habang pinuprotektahan ang publiko sa kanilang mga desperadong hakbang,” ani P/BGen. Estomo.
“Nagpapasalamat tayo sa mga residente ng Sagñay na nagparating ng impormasyong ito lalo na sa mga magulang. Dahil dito, napigilan natin ang CTG na makapanlinlang na naman ng mga inosenteng sibilyan at ng mga kabataan. Nawa po ay patuloy kayong makipagtulungan sa amin para supilin ang terorismo ng CTG,” ani Lt. Col. Dalumbar,
Kaugnay nito, binalaan ni Col. Jaime Abawag Jr., Brigade commander ng 902nd Infantry Brigade, ang mga kasapi ng CTG na dahil sa walang humpay na joint operations ng Philippine Army at PNP ay wala nang pagpipilian pa ang mga NPA kundi ang sumuko.
“Ayaw naman namin na may namamatay sa mga labanan pero kapag hindi kayo nagbalik-loob sa pamahalaan, kamatayan ang naghihintay sa inyo. Paliit na nang paliit ang inyong mundo dahil isinusumbong na kayo ng mga tao sa awtoridad. Kung ayaw ninyong masayang ang inyong buhay, bumaba kayo sa bundok dahil bukas ang pinto ng gobyerno para tulungan kayong magbagong-buhay,” ani Col. Abawag.
Magugunitang noong Pebrero 1, ay naglunsad din ng opensibang militar ang 83IB laban sa CPP-NPA sa Barangay Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur kung saan apat na CTG members ang napatay at sampung high-powered firearms ang nasamsam. (JESSE KABEL)
