DALAWANG kasapi ng New People’s Army ang napaslang ng mga tauhan ng Philippine Army 2nd Infantry Division sa magkahiwalay na insidente nitong nakalipas na linggo sa Quezon at Occidental Mindoro.
Ayon sa ibinahaging ulat na isinumite sa tanggapan ni 2ND ID Commander, Major General Ramon Zagala, nakasagupa ng kanyang mga tauhan ang grupo ng rebeldeng NPA sa Barangay Maguibuay sa Tagkawayan, Quezon.
“Initial reports disclosed that one NPA died during the encounter and three high-powered firearms were confiscated,” ayon pa sa report.
Dahil ang Tagkawayan umano ay matatagpuan sa boundary ng Quezon at Bicol Region, pinaniniwalaang ang mga rebelde ay nakabase sa Camarines Sur.
Nabatid pa na ang lalawigan ng Quezon ay idineklara ng lokal na pamahalaan, pulisya at military officials na NPA influence free.
Ito ay makaraang maabot ng lalawigan ang “Stable Internal Peace and Security” o SIPS status, na nangangahulugang ang Communist Party of the Philippines, National Democratic Front of the Philippines, at NPA ay hindi na banta sa peace and order ng pamayanan.
Samantala, una rito, nakaengkwentro rin ng nagpapatrolyang mga sundalo ang grupo ng mga rebeldeng NPA sa Barangay Naibuan sa San Luis, Occidental Mindoro, bandang alas-8:35 ng umaga batay sa impormasyong inilabas ni Lieutenant Colonel Jeffrex Molina, 2nd ID information officer.
Nagresulta ito sa pagkamatay ng isang rebeldeng NPA at pagbawi sa isang M16 rifle, apat na magazines, mobile phone, mga bala at mga subersibong dokumento sa lugar kung saan nangyari ang sagupaan.
Wala namang iniulat na namatay sa hanay ng pamahalaan.
“This latest operational gain highlights the growing support of local communities who are choosing to stand against the presence of armed groups in their barangay,” ani General Zagala.
“The military remains committed to its mandate; every life lost in armed conflict is a tragic consequence of a misguided cause.”
“While we do not rejoice in the loss of any Filipino life—including those who have been deceived into taking up arms against the government—we are duty-bound to protect our people and uphold the rule of law,” ani Mgen Zagala.
(JESSE RUIZ)
