NASAKOTE ang isang AWOL (absent without official leave) na pulis at isang lalaking unang itinuring na saksi, habang apat pa, kabilang ang isang sinibak na pulis, ang pinaghahanap at pinatungan ng P300,000 halaga bawat ulo bilang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek kaugnay sa pagholdap at pagpatay sa isang mensahero sa Valenzuela City.
Nasa kustodiya na ng pulisya sina Edgar Matis Batchar at Cpl. Michael Bismar Castro, habang patuloy na pinaghahanap ang mga suspek na sina Rico Reyes, Narciso Cubos Santiago, ang sinibak na si Pat. Anthony Glua Cubos, at isang nakilala lamang bilang si Jo-Anne Quijano Cabatuan.
Sa isang post sa Twitter ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela noong Martes, nakasaad na P300,000 reward ang ibibigay sa makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroon ng mga suspek sa pagpatay kay Niño Luegi Hernando.
“WANTED! Patuloy na hinahanap ng pulisya ang apat pa na suspek na sangkot sa pagpatay, pagnanakaw at carnapping na ikinamatay ni Niño Luegi Hernando noong Oktubre 9, 2020. 300,000 Pesos pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon sa kanilang lokasyon,” nakasaad sa paskil ng Valenzuela City.
Pinatay si Hernando noong Oktubre 9 at tinangay ang dala niyang mahigit P440,000 cash at motorsiklo. (ALAIN AJERO)
376 