2 PATAY, 25 SUGATAN SA ROAD MISHAP

ILOILO – Patay ang dalawang lalaki habang 25 iba pa ang nasugatan, dalawa rito ang nasa kritikal pang kalagayan, matapos ang salpukan ng isang 10-wheeler truck at jeep sa Brgy. San Vicente, sa bayan ng Leganes sa lalawigang ito nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat ng Iloilo PNP, kinilala ang dalawang namatay sa insidente na sina Limuel Magbanua, 36, at Rene Consular, 45, parehong nakatira sa Brgy. Tamu-an, Janiuay, Iloilo at sakay ng nabanggang jeep.

Habang inoobserbahan sa pagamutan sina Carren Cava-is at Ricca Parpa, ng nasabi ring barangay, kapwa nasa kritikal na kondisyon.

Lumilitaw sa pagsisiyasat  ng Leganes Municipal Police Station, tinatahak ng pampasaherong jeep ang direksyong papuntang  bayan ng Leganes, Iloilo,  sakay ang magkakapamilya na magsisimba umano at pagkatapos ay maliligo sa dagat.

Sinasabing habang patawid sa crossing sa national road ang jeep ay bigla itong sinalpok ten wheeler truck.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang mga sakay ng jeep at nahulog ang pa ang sasakyan sa bukirin.

Agad namang nagresponde ang rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Leganes, BFP Leganes at Leganes PNP sa lugar.

Agad isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival sina Magbanua at Consular dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa ospital ang dalawang kritikal at 23 pang mga sugatan.

Base sa pagsisiyasat, lubhang mabilis umano ang takbo ng truck dahil nakikipagkarerahan ito sa isa pang truck.

Nasa kustodiya na ng Leganes PNP ang driver ng truck at hinihintay pa ang magiging desisyon ng mga pamilya ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso. (JESSE KABEL)

156

Related posts

Leave a Comment