2 patay, 4 missing, 8 sugatan sa .. BAGSIK NI ‘ULYSSES’

DALAWA na ang kumpirmadong namatay habang apat katao ang nawawala at walo naman ang iniulat na nasaktan sa pananalasa ng Bagyong Ulysses na pumaralisa sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan at maraming lugar ang kasalukuyang lubog sa baha.

Ayon sa ulat, maraming lugar ang na-isolate dahil sa kawalan ng komunikasyon at halos 3.8 milyong consumers ng Meralco ang nawalan ng supply ng kuryente bunsod ng magdamag na pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinukumpara sa Bagyong Ondoy na inilubog din ang maraming lalawigan sa malalim na baha.

Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense sa Region 5 (Bicol), dalawa na ang kumpirmadong namatay, kabilang si Avelino Cabanela, 68, na nakitang patay sa bubong ng kanyang bahay sa

Bagabas, Daet, Camarines Norte, at isang 70-anyos na lola na kinilalang si Salva Mangubat na nadulas sa habang lumilikas mula sa bayan ng Talisay.

Pinangunahan ni Interior ang Local Government Secretary Edudardo Año ang pagpupulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa panahon ng kalamidad, upang magsagawa ng assessment sa isinasagawang search and rescue operation at damage assessment sa Metro Manila particular sa Marikina City at sa iba pang apektadong mga lalawigan.

Habang personal namang nagtungo ng Malacañang si Defense Secretary Delfin Lorenzana upang magbigay ng initial assessment at ilatag ang isinasagawang rescue operation ng mga tauhan ng Armed forces of the Philippine sa Marikina, Southern Luzon at Central Luzon.

Umaga pa lamang ay tinututukan na, ayon kay Office of the Civil Defense Deputy Chief, Assistant Secretary Casiano Monilla, ang Marikina, Pasig at ang buong Central Luzon kasunod ng ulat na malawakang pagbaha bunsod ng magdamag na pagbuhos ng ulan at pagpapakawala ng tubig ng Angat, Ipo, La Mesa at Wawa Dams.

Una nang naglabas ng babala ang PAGASA sa local government units na malapit sa mga ilog at dam na maging alerto sa posibleng pagbaha bunsod na isasagawang pagpapakawala ng tubig sa mga dam oras na abutin nito ang critical spilling level.

Ang mga residenteng naninirahan sa low-lying areas at malapit sa mga ilog ng Angat River mula Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel at Hagonoy ay pinayuhan sa posibleng flooding o flash floods.

Sa pamamagitan nina Sec. Lorenzana at Sec. Año, humingi ng ayuda ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa AFP, PNP, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection units para ma-augment ng mga tauhan at tumulong sa search and rescue operations.

Ito ay makaraang bahain ng tawag ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na humihingi ng tulong matapos mai-stranded ang maraming tao habang maraming pamilya naman ang kinailangang umakyat sa bubong dahil mabilis na inilubog ng baha ang kanilang mga kanayunan.

Hanggang nitong Huwebes ay wala pang malinaw na ulat ang NDRRMC kung ilan ang mga nailikas, maging ang mga lugar na lubog sa tubig-baha dahil nakapokus ang lahat sa isinasagawang rescue operations bukod pa rito ang kakulangan ng komunikasyon.

Itinanggi naman ng Office of Civil Defense na nagkulang sila sa makapaghanda sa mala-Ondoy na pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at iba pang mga lugar na dinaanan ng bagyo.

Ayon kay Molina, sa panig ng OCD at NDRRMC, ay hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng babala, sa katunayan maging ang mga rehiyon sa norte tulad ng Region 1 at Region 2 ay inabisuhan sa posibleng epekto ng bagyong Ulysses. (JESSE KABEL)

209

Related posts

Leave a Comment