2 patay sa bagyo, maraming lugar binaha MAGAT DAM MULING NAGPAKAWALA NG TUBIG

MULING nagpakawala ng tubig mula sa Magat Reservoir ang National Irrigation Administration bunsod ng nararanasang mga pag-ulan sa buong bansa dala ng tatlong weather system na nakaaapekto sa panahon.

Sa hilagang Luzon nararanasan ngayon ang epekto ng Northeast Monsoon (Amihan) at Tail End of a Frontal System (cold front) na nagdudulot ng mga pag-ulan.

Habang sa Visaya at Mindanao ay patuloy ang malalakas na pag-ulan na naging sanhi ng mga pagbaha landslides na kumitil na ng dalawa katao.

Una nang naglabas ng “Notice on Dam Discharge Warning Operation” ang NIA na may lagda ni Magat FFWHU Dam Office flood operation manager Eng. Carlo Ablan, bago sila nagpalabas ng tubig sa bilis na 200 cubic meter/second nitong Sabado at maaari pang madagdagan depende sa lakas ng ulan sa Magat watershed.

Dahil dito, pinayuhan ang mamamayan na iwasan ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog dahil lubhang mapanganib.

Pinayuhan din ang mamamayan na dalhin ang mga alagang hayup sa mga ligtas na lugar at huwag itali sa gilid ng mga ilog.

Ayon sa Magat River Integrated Irrigation System Dam and Reservoir Division, magpapakawala sila ng tubig nitong Sabado ng umaga bilang paghahanda sa posibleng malalakas na pag-ulan dala ng Amihan.

“Pre-release – Reservoir elevation needs to be lowered in anticipation of the expected heavy inflow due to surge of N.E. Monsoon,” ani Ablan.

Samantala, lumikha na mga pagbaha at landslide ang walang humpay na pag-ulan sa Visaya at Mindanao region dulot ng Tropical Depression Vicky na nag-iwan ng dalawang patay sa bayan ng Mahaplag, Leyte.

Habang kulang sa 100 kabahayan ang naitalang nawasak ng bagyo dulot ng mga pagbaha sa Agusan del Sur, Lapu-Lapu City at landslide sa bayan ng Monkayo sa Davao de Oro.

Tinatayang 76 bahay sa tabi ng dalampasigan sa Ibo, Lapu-Lapu City ang nawasak sa paghampas ng malakas na alon bunsod ng pananalasa ng bagyong Vicky noong Biyernes ng gabi. (JESSE KABEL)

313

Related posts

Leave a Comment