LABIS ang pagkadismaya ni Senador Manny Pacquaio sa Department of Health dahil sa hindi pa rin pagkuha ng mga donasyong respiratory machine ni Jack Ma para sa Pilipinas.
Ayon kay Pacman, may dalawang buwan nang nakaimbak lamang sa bodega ang mga makina na sa nasa P300,000 ang halaga ng bawat isa.
“May pinadala po si Jack Ma po, napakarami po, PCR pinadala nya sa Manny Pacquiao Foundation then sa DOH. Ang huli pong pinadala, ang DOH po parang may problema, ayaw tanggapin ang respiratory machine,” saad ni Pacquiao.
“Alam ninyo po ‘yan po ang galit na galit ako sa puso ko, ayaw ko ng may ganung mindset na tao laging pulitika iniisip. ‘Yan ang ayaw na ayaw ko na mga tao na magserbisyo sa ating gobyerno dahil yan ang nagpapahirap sa ating bansa yang mga ganyang klaseng tao. May ilan dyan na nagiisip palagi ng pulitika. Itong machine na ito ang mahal mahal $5,000 tapos di pa kinukuha ewan ko,” diin ng senador.
Kung siya anya ang tatanungin, ang mga opisyal ng DOH na hindi nagbibigay halaga sa mga donasyon para makatulong sa bansa ay dapat nang tanggalin sa serbisyo.
“Alam nyo pag ganyan klaseng tao tanggalin ko lahat iwipe out ko talaga yan, mahirapan magsakripisyo ang taumbayan,”dagdag pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
