LAGUNA – Patay ang tricycle driver nang masalpok ng dalawang truck sa Maharlika highway sa Brgy. San Ignacio, San Pablo City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Oriel Jumawan dahil sa mga pinsala sa ulo nang tumilapon ito at bumagsak sa sementadong kalsada
Base sa report ng San Pablo City Police, huminto sa gitna ng southbound lane ng highway ang tricycle upang lumiko sa isang intersection nang salpukan ito sa likuran ng kasunod na Forward aluminum wing van truck na minamaneho ni Castor Esgallera Jr.
Sa lakas ng pagkasalpok, naitulak ito patungo sa kabilang linya kung saan nasalpok naman ito ng kasalubong na 10-wheeler truck na minamaneho ni Jeffrey Delima. Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.
Arestado naman ng mga tauhan ng San Pablo City Police ang mga driver ng dalawang truck na parehong sasampahan ng kaso.
Samantala sa Calauan, Laguna, patay ang isang babaeng backrider matapos na araruhin ng isang pampasaherong jeep ang dalawang motorsiklo sa bayan ng Calauan sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.
Idineklarang dead on arrival sa PPL Hospital sa Sta. Cruz, Laguna ang biktimang kinilalang si Merianne Panganiban, 35-anyos, taga bayan ng Victoria.
Ayon sa report ng Calauan Police, nakaangkas ang biktima sa motorsiklong minamaneho ng pulis na si John Carlo Manzano nang salpukin ang mga ito at ang isa pang motorsiklo ng kasunod na jeep na minamaneho ni Rolando Emnas sa national highway sa Barangay Bangyas dakong alas-9:00 ng umaga.
Sa lakas ng pagkakasalpok, parehong natumba sa kalsada ang dalawang motorsiklo.
Grabeng napinsala ang ulo at katawan ni Panganiban na binawian ng buhay habang isinusugod sa ospital. Nasugatan din ang nagmamanehong pulis at ang dalawang sakay ng isa pang motorsiklo na sina Jerome Espanol at Faje Parales.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries ang driver ng jeep. (NILOU DEL CARMEN
