BATANGAS – Dalawa ang patay matapos magkarambola ang apat na sasakyan sa national highway sa bayan ng Bauan sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Ayon sa Bauan Police, kinasasangkutan ang aksidente ng isang Asian Utility Vehicle, isang pick-up, isang tricycle at isang motorsiklo.
Namatay sa insidente ang driver ng motorsiklo na si Henry Pasia at ang driver ng tricycle na si Norberto Rabacid.
Batay sa imbestigasyon, nabangga ng AUV na minamaneho ni Romeo Evangelista, ang sinusundang motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng Palico-Balayan-Batangas Road sakop ng Brgy. As-is, Bauan dakong alas-2:30 ng hapon. Kasunod ding sinalpok ng AUV ang kasalubong na Ford Ranger.
Agad isinugod sa ospital ang dalawang biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Pasia habang nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas si Rabacid.
Nasa kostudiya na ng Bauan Police ang bahagyang nasugatang driver ng nakabanggang AUV at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. (NILOU DEL CARMEN)
