2 PATAY SA RUNNING GUN BATTLE SA SLEX

PATAY ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng notorious robbery kidnapping group sa barilan na naganap sa southbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Calamba City, Laguna, ngayong hapon.

Sa inisyal na report ng Laguna PNP, umabot hanggang sa Silangan Exit ng SLEX ang habulan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek.

Nagdulot din ng pansamantalang pagtigil ng daloy ng trapiko sa SLEX ang insidente.

Nangyari ang engkwentro matapos makatanggap ng report ang mga operatiba ng RID-ANCAR ng NCRPO sa umano’y insidente ng pagkidnap ng mga miyembro ng notorious robbery/kidnapping group sa isang Chinese national sa Asiana, Parañaque City gamit ang isang kulay puting Toyota Hi-ace van.

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at naispatan ang van na patungo sa SLEX.

Subalit sa bahagi ng Cabuyao Exit ay natunugan umano ng mga suspek na sinusundan sila ng mga awtoridad kaya nagsimula ang putukan na nauwi sa pagkamatay ng dalawa.

Nakuhanan pa ng video ng ilang motorista ang engkwentro kung saan niratrat ng mga pulis ang kulay puting van na may plate number WQT 786.

Kapwa dead-on-the-spot ang dalawang suspek na hindi nakaalis sa kanilang pagkakaupo sa unahan ng van.

Ayon pa sa inisyal na report, ang mga suspek ay sangkot sa serye ng robbery na bumibiktima sa POGO sites.

Tinatayang nasa 200 milyong piso na umano ang nakulimbat ng mga ito sa kanilang mga biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)

363

Related posts

Leave a Comment