2 PATAY SA SALPUKAN NG TANDEM AT KALABAW

PATAY ang dalawang binata na lulan ng motorsiklo makaraang makabanggaan nila ang isang kalabaw na tumatakas mula sa kalaban nito sa Silay City, Negros Occidental.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Edison Garcia, hepe ng Silay City Police Station, sakay ang dalawang biktima sa motorsiklo noong Agosto 23, Linggo ng madaling araw.

Galing umano sa Bacolod City ang mga biktima patungo sa Barangay Gimbalaon ngunit pagsapit sa bahagi ng Hacienda Santo Rosario sa nasabing Barangay ay nakabanggaan nila ang kalabaw.

Kaagad naman silang isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang angkas na si Edrian. Habang nilalapatan naman ng lunas ay binawian ng buhay ang driver na si Janjan.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, itinali ang kalabaw sa isang bakanteng lote, subalit naputol ang tali nito.

Napadpad naman ito sa kinaroroonan ng isa pang kalabaw kung saan ay nagpangbuno ang mga ito, dahil sugatan ang nasabing kalabaw ay sinubukan nitong tumakas sa kanyang kalaban.

Habang papatakas ang sugatang kalabaw ay nakabanggaan naman nito ang magkaangkas sa motorsiklo dahilan para sila ay tumilapon na nagresulta ng kanilang kamatayan.

(TOTO NABAJA)

63

Related posts

Leave a Comment