KALABOSO ang dalawang Vietnamese na may kasong illegal practice of medicine, sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group noong Lunes sa Makati City.
Kinilala ni CIDG Officer-in-Charge Brig. Gen. Rolindo Saguilon, ang naarestong mga suspek na sina Nguyen at Phuong, kapwa Vietnamese national.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ang mga suspek ng medical consultation, nose augmentation at body parts modification procedure nang walang kaukulang permit o lisensya o kahit anomang rehistro mula sa Professional Regulation Commission (PRC).
Kaagad na ikinasa ng CIDG-NCR ang entrapment operation sa Doly Beauty Lounge na matatagpuan sa HV Dela Costa, Bel Air Village sa Makati City na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek.
Nasa kustodiya na ang mga suspek ng CIDG-NCR detention cell sa Camp Crame habang inihahanda ang kaso laban sa kanila.
(TOTO NABAJA)
