MAHIGIT P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina City Police, sa isinagawang buy-bust operation noong Lunes dakong alas-10:40 ng gabi sa Marikina City.
Kinilala ng bagong talagang chief of police ng Marikina CPS na si PCol. Geoffrey Fernandez, ang suspek na si alyas “Robin,” 32, residente ng San Mateo, Rizal at nakatala bilang high value individual (HVI) ng pulisya.
Ayon kay Hernandez, ang suspek ay minsan nang naaresto sa kahalintulad na kaso noong Agosto 2022, at nakumpiskahan ng 55 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P374,000.
Sinabi ng bagong hepe ng Marikina City Police, nakumpiska sa suspek ang siyam na heat-sealed plastic sachets at 4 knot-tied plastic bags na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.
Umabot sa 295 gramo ng umano’y shabu ang nakumpiska suspek na tinatayang P2,006,000 ang halaga.
Nakapiit na sa custodial facility ng Marikina City Police Station ang suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ng 2002 sa Marikina City Prosecutor’s Office.
(NEP CASTILLO)
