MRF FACILITY NAIS IPASARA SA NAKASUSULASOK NA AMOY

PORAC, Pampanga — Hinimok ng nasa 5,000 mga residente ng Barangay Planas sa bayan ng Porac ang lokal na pamahalaan na aksyunan ang kanilang hinaing kaugnay ng mababahong trak ng basura na dumaraan sa kanilang barangay patungo sa isang Materials Recovery Facility (MRF).

Sinabi ni Barangay Planas Kagawad Rex Ocampo, may 80 trak ng basura ang dumaraan sa nabanggit na barangay araw-araw partikular sa kahabaan ng Purok 1, kung saan kadalasan ay sa oras ng pagluluto o kaya pagkain ng mga residente.

Sinabi ni Ocampo, humigit-kumulang 5,000 residente sa Barangay Planas ang direktang apektado ng mga basurang nakatambak sa MRF na pinamamahalaan ng Prime Waste Solutions.

Ipinarating umano sa kanya ng PWS General Manager na hanggang 10 pm lang ang operasyon ng MRF ngunit 24/7 pa ring pumapasok ang mga trak ng basura.

Aniya, bukod sa apektado ang kalusugan ng mga residente ay nagdudulot din ng pagkasira ng kalsada ang pagdaan ng mga trak.

Idinagdag pa ni Ocampo, nakikipag-ugnayan na sila sa Porac LGU at Department of Environmental and Natural Resources (DENR) para maresolba ang problema.

(ELOISA SILVERIO)

101

Related posts

Leave a Comment