PATAY ang isang preso makaraang mang-agaw ng baril at makipagpalitan ng putok sa mga pulis na ikinasugat ng dalawang duty jailer sa loob ng detention facility ng Mandaluyong City Police Station sa Maysilo Circle sa lungsod na ito, noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang presong napatay na si Emerson Bernaldez y Caya, may kasong attempted homicide at alarm and scandal.
Habang sugatan naman ang mga pulis na sina P/Cpl. Shane Managtag at P/Cpl. Michelle de Jesus, kapwa nakatalaga sa Custodial facility bilang duty jailer.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-4:30 ng hapon noong Agosto 27, biglang inagaw ng presong si Bernaldez ang service firearm ni P/Cpl. De Jesus at binaril ang huli.
Agad namang nagresponde si P/Cpl. Managtag na nagresulta sa palitan nila ng putok ng suspek.
Tinamaan ng bala sa tiyan si P/Cpl. Managtag habang si P/Cpl. De Jesus ay tinamaan ng bala sa kanang kamay. Agad isinugod ang mga ito sa Mandaluyong City Medical Center para malapatan ng lunas.
Hinabol naman ni P/SSg. Daniel Cacho ang suspek at makaraan ang palitan ng putok ay napatay si Bernaldez.
181 