2 PUMATAY SA CHIEF OF POLICE NG COTABATO CITY ARESTADO

NADAKIP sa isinagawang law enforcement operation sa Surigao City ang dalawang lalaki na itinuturing na responsable sa paglikida sa dating hepe ng Cotabato City Police noong 2022.

Armado ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Annabelle Piang ng Regional Trial Court Branch 13, dinakip ang sinasabing mga responsable sa pagpatay kay Colonel Rolen Balquin, sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Police Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Bangsamoro Autonomous Region.

Ayon kay Master Sgt. Marivic Maghanoy ng PNP-AKG BARMM, nasakote sa ikinasang law enforcement operation sina Salem Edu at Berting Abdullah, kapwa taga-Cotabato City, na kapwa ikinaila ang akusasyon sa kanila.

“Itinatanggi ko ang paratang. Wala kaming kinalaman sa pagpatay kay Balquin,” pahayag naman ni Edu sa isang panayam habang nasa kustodiya ng AKG.

“Matagal na naming hinahanap ang mga iyan. Sa wakas, nalaglag na rin sila sa kamay ng batas,” pahayag ni Maghanoy.

Matatandaang noong Marso 19, 2022, binaril at napatay ng dalawang lalaki si Balquin habang nakaupo sa harapan ng isang sasakyang pagmamay-ari ng city government.

Nasugatan din sa insidente ang kanyang police escort at driver na si Master Sgt. Ariel Gutang.

Hindi pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang mga suspek sa mga kasong kanilang kinahaharap.

(JESSE RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment