DALAWANG custom representatives ang dinakip sa isinagawang interdiction operation ng mga miyembro ng NAIA Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) matapos mahulihan ng halos P110 milyong halaga ng shabu sa NAIA Complex, Pasay City noong Lunes ng gabi.
Ayon sa report na ibinahagi ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency, kinilala ang dalawang nadakip na mga suspek na sina alyas “Glowin”, 39-anyos, residente ng Abucay St., Manuguit, Tondo, Manila; at “Justine”, 28, ng Brgy. Antonio, Dolores, Quezon.
Nangyari ang pagdakip sa mga suspek bandang alas-7:55 ng gabi sa Pair Pags Center, NAIA Complex, Pasay City ng mga operatiba ng NAIA-IADITG na binubuo ng NAIA Anti-Illegal Drug Interdiction Group, Bureau of Customs, PDEA, National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong puting styro box na may tatak na X, na naglalaman ng 16.150 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P109,820,000.
Nakuha rin kay alyas “Glowin” ang kanyang driver’s license habang company ID ng Shela Mae Giganto Customs Brokerage ang nakuha naman kay alyas “Justine”.
Ang nakumpiskang ebidensya sa mga suspek ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.
(JESSE RUIZ)
