2 SA 7 MINORS NA TUMANGAY NG MOTOR, ISINUKO NG MAGULANG

CAVITE – Hawak na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ang dalawang binatilyo habang pinaghahanap ang lima pa nilang kasamahan na pawang menor de edad din, na pwersahang pumasok sa isang tindahan at tinangay ang dalawang motorsiklo sa Gen. Trias City noong Miyerkoles ng madaling araw.

Sina alyas “Jay”, 16, Grade 5 student, at “Tahniel”, 13, out-of-school youth, ay nasa kustodiya na ng Gen. Trias CSDW matapos isuko ng kanilang mga magulang, habang ang lima na kinilalang sina “Choky”, 11; “Burnok”, 12; “Kalbo”, 13; “Junior, 9; at “Yuri”, 13, pawang mga residente ng Brgy. Santiago, Gen. Trias City, ay pinaghahanap pa ng pulisya.

Ayon kay alyas “Royette”, 29, ng Cavite LRCI Store sa Arnaldo Highway, Sitio Sulucan, Purok 2, Brgy. Santiago, Gen. Trias City, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang madiskubre ang pagnanakaw nang magtungo ito sa tindahan at napansin na bukas ang drawers at ang mga susi ay nagkalat.

Napansin din ni Royette na bukas ang main gate at ang padlock nito ay puwersahang sinira at nawawala ang dalawang motorsiklo, na isang kulay itim na TC 150 Macho, at isang kulay blue na MP125 Smart.

Nakilala ang mga suspek sa pamamagitan ng CCTV footage na nakakabit sa katabing establisyemento.

Kinaumagahan, isinuko ng kanilang mga magulang sina Jay at Tahniel gayundin ang dalawang ninakaw na motorsiklo.

(SIGFRED ADSUARA)

3

Related posts

Leave a Comment