2 SABIT SA DROGA NAPATAY SA CAVITE

CAVITE – Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang ka-apelyido ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang arestado ang apat nilang kasamahan sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga napatay na sina Christopher Duterte, alyas “Boyet,” nasa hustong edad, ng Brgy. Habay, Bacoor City, at isang alyas “Buboy” ng Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.

Arestado naman ang apat nilang kasamahan na sina Brian Narvaez, 36; Mel Mojica; Alfredo Cabildo, 40, at isang alyas “Turko”.

Ayon sa ulat ni Corporal Fidel Querrijero ng Bacoor City Police, dakong alas-9:00 ng gabi noong Miyerkoles nang magkasa ng buy-bust operation sa Brgy. Habay 1 ng naturang lungsod kung saan nakabili ang poseur buyer ng limang gramo ng hinihinalang shabu sa suspek na si Duterte at nagpakita pa ng 10 gramo.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang transaksiyon ay nahalata ni Duterte na pulis ang kanyang kausap kaya tumakbo ito sa 2nd floor ng kanilang bahay ngunit hinabol ng mga pulis at nang makorner ay nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Sa isinagawang operasyon, naaresto rin ang mga kasamahan ni Duterte habang aktong bumabanat ng droga at nakumpiska ang tinatayang 15 gramo ng shabu at kalibre 9mm pistol.

Dakong alas-12:40 ng umaga naman nitong Huwebes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Tanza Municipal Police Station sa Phase 3, Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite kung saan target sina alyas “Buboy” at alyas “Turko”.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang transaksyon, nahalata ni alyas “Turko” na pulis ang kausap ni alyas “Buboy” kaya sinigawan niyang tumakbo patungo sa motorsiklo habang pinapuputukan ang mga awtoridad.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni alyas “Buboy” habang nakatakas si alyas “Turko.”

Gayunman, agad nadakip ng mga pulis si alyas “Turko” sa follow-up operation. (SIGFRED ADSUARA)

138

Related posts

Leave a Comment