AGAD naglabas ng show case order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang pampasaherong bus at isang UV express na nasangkot sa vehicular accident sa Quezon Avenue Tunnel Brgy. South Triangle, Quezon City kahapon ng umaga (Miyerkoles).
Sinabi ng LTFRB na pinagpapaliwanag ng ahensya ang may-ari ng Diamond V-Eight Inc. (NBT-5417) na pampasaherong bus at ang driver nito na si Albert Nunez Gemina, gayundin ang driver ng UV Express na may plakang AAP-6107.
Ayon sa ulat ni PSSg. Jaime L Orpia Jr. investigator ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente sa bahagi ng Quezon Avenue Tunnel at Edsa Brgy. South Triangle, QC.
Sinabi sa ulat ng pulisya na minamaneho ni Gemina ang IVECO Bus sa kahabaan ng Quezon Avenue galing sa Timog Avenue at patungo sa direksyon ng Elliptical Road nang masalpok nito ang likurang bahagi ng Isuzu XT Wagon na minamaneho ni Jobert Suarez Jason, 36, (AAP-6107) habang nakahinto sa naturang lugar.
Sa lakas ng pagkakasalpok, umusad sa unahan ang wagon UV express kaya nasalpok naman nito kanan ang Yamaha NMAX motorcycle na minamaneho ni Pat. Jonathan Macawile Ida, miyembro ng QC Masambong Police station 2.
Nasugatan sa aksidente sina Jeriel Sacnanal at Ryan Delos Santos at dalawang hindi pa nakikilala na agad naman isinugod sa pagamutan.
Bilang tugon, sinabi ni LTFRB spokesperson Atty. Ariel Inton na agad nagpalabas ng show case order ang LTFRB sa dalawang sangkot na sasakyan para magpaliwanag.
“Mabilis na inaksyunan ng LTFRB ang road accident upang magpaliwanag ang mga sangkot na sasakyan,” ani Atty. Inton.
(PAOLO SANTOS)
