2 sangkot sa James Elijah Yap kidnapping NAPATAY NG PNP-AKG

DALAWA pang kasapi ng Gonzales kidnap for ransom group ang napatay ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo, sa isinagawang follow-up operation sa Carlos P. Garcia Avenue Ext., Parañaque City noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay PNP-AKG spokesperson, P/Lt. Col. Rannie Lumactod, agad napatay sa ikinasang dragnet operation ng mga tauhan ng AKG-IRAD ang suspek na si Jobert Gañares na sangkot sa James Elijah Yap kidnap for ransom case at spotter ng nabuwag kamakailan na Gonzales kidnap for ramson group.

Habang ang isang hindi pa kilalang kasamahan nito na itinakbo sa Olivarez General Hospital ay idineklarang dead on arrival ni Dr. Janie-vi V. Ismael Gorospe, attending physician, bandang alas-10:38 ng gabi.

Ayon sa impormasyon na ibinigay ni Col. Lumactod, si Gañares ay nagsilbing spotter ng sindikato para sa posibleng target at nagsilbi ring security sa pagdukot kay James Elijah Yap na pinatubos sa pamilya nito ng halagang P1.5 million bago pinalaya sa 11th at Hemady streets, Barangay Mariana, New Manila, Quezon City.

Nauna rito, inihayag ni Lumactod na malaki ang tsansa na makukuha ang lahat ng mga kasapi ng Gonzales KFRG, sa pangunguna ni John Paulo Gonzales, ang asawa ni Ma. Rachel Erica Gonzales, na unang naaresto ng mga tauhan ng AKG makaraang ma-identify ang sasakyan nito na ginamit sa pay-off.

Nabatid na sa utos ni Gen. Estomo, hindi nilubayan nina P/Col. Edward M. Cutiyog, hepe ng AKG-IRAD, ang nalalabing kasapi ng sindikato na umano’y nagbabalak na namang dukutin ang isang mayamang negosyante sa Parañaque City.

Hanggang sa masundan ng team ni P/Major Lowelber L. Ceralvo ang dalawang suspek sakay ng itim na Yamaha Mio motorcycle na walang plaka at tiniktikan ang kanilang dudukuting negosyante mula C-5 East Service Road papuntang Parañaque City.

Dito na inalarma ng PNP-AKG team ang Parañaque Police Station para sa gagawing pag-aresto sa mga suspek ngunit natunugan sila ng mga ito at pinaputukan habang tumatakas palayo sa direksyon ng Parañaque City area.

Subalit bago pa makaakyat sa C5 flyover papuntang SM Sucat, Parañaque City, namataan ng mga ito ang nakalatag na dragnet operation/checkpoint ng Parañaque City Police Station.

Muli pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis sa checkpoint at mabilis na tumakas, gayunman nasundan sila ng PNP-AKG matapos na iwan ang kanilang motorsiklo at naglakad sa pag-aakalang maililigaw nila ang mga humahabol.

“Character cannot be developed in ease and quiet. Only through experience of trial and suffering can the soul be strengthened, and success achieved,” ito umano ang paniniwala ni Estomo na laging sinasabi sa kanyang mga tauhan, ani Lumactod.

Nakuha ng mga operatiba ng SOCO SPD Team sa crime scene ang isang motorsiklong Mio Yamaha black na walang plaka, dalawang cal. 45 pistol na may magazine, at mga basyo ng bala mula sa cal. 45 firearms. (JESSE KABEL)

 

254

Related posts

Leave a Comment