AMINADO sina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senador Grace Poe na nangangamba sila sa desisyon ng Inter-Agency Task Force na buksan na ang ilang establishments upang makabawi na ang ekonomiya.
Partikular na pinangangambahan ng dalawang senador ang pagbubukas ng mga sinehan kung saan papayagan ang 50 percent capacity.
Sinabi ni Zubiri na ang mas dapat gawin ng gobyerno ay ang madaliin na ang vaccination program rollout para mabigyan na ng katiyakan ang kalusugan ng mamamayan.
“Ang akin talaga wag muna 50% capacity nakakatakot pa rin, sa sinehan 50% capacity medyo puno pa rin yan, kung umubo dun delikado pa rin. Lalo na sa simbahan mahilig po tayo mag-peace be with you, iba na pala ipinapasa mo. I guess kailangan talaga natin gawin speed up rollout ng bakuna,” diin ni Zubiri sa panayam ng DWIZ.
Sa panig ni Poe, sinabi nito na nauunawaan niya ang aksyon ng IATF ay para ibalanse ang ekonomiya ng bansa dahil marami na rin ang nalulugi, hindi lamang mga may-ari ng sinehan kung hindi ang movie industry sa kabuuan.
Gayunman, bago ang pagluwag dapat munang malaman ano ang mga ginagawa ng mga sinehan para matiyak na ligtas ang sinomang papasok sa kanila.
“Hihilingin natin sa appropriate committee ng Senado na magsagawa ng pagdinig para malaman ano ba guidelines ng mga sinehan aside from social distancing, ‘yung kanilang filtration sa aircon system nila,” diin ni Poe. (DANG SAMSON-GARCIA)
145 