CAMARINES Norte – Dead on the spot ang isang beteranong siklista nang mabangga ng SUV na minamaneho ng isang lasing na BFP personnel sa bayan ng Daet sa sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng Daet Police ang biktimang si Roberto Malacas, 56, tinaguriang ‘Pride of Camarines Norte cycling’ at beterano ng Marlboro Tour noong 1980’s at 90’s.
Ayon sa report ng Daet police, nakasakay sa kanyang biseklita ang biktima nang masalpok ito ng Toyota Fortuner na minamaneho ni Jo Edward Francisco Mojal, 31, personnel ng BFP-Daet, sa national highway sa Barangay Gubat bandang alas-9:30 ng gabi.
Ayon sa pulisya, lasing si Mojal nang mangyari ang insidente.
Bago umano ang pangyayari, isang motorsiklo ang unang nabangga ng SUV sa bahagi ng Barangay Pamorangon sa bayan din ng Daet.
Nagpatuloy pa rin ito sa pagmamaneho hanggang sa nabangga pa nito ang isa namang motorcycle hauler sa Barangay Cobangbang.
Matapos masalpok ang siklista, nagtangka pang tumakas si Mojal ngunit naaresto ng tumugis na mga tauhan ng Daet PNP at Mercedes PNP sa Brgy. San Roque.
Nakakulong na ang suspek sa Daet lock-up cell at inihahanda ang mga kaso laban dito. (NILOU DEL CARMEN)
194 