NASAWI ang dalawang babaeng senior citizen sa sunog na sumiklab sa Intramuros, Maynila nitong Miyerkoles ng hapon.
Kinumpirma nina Barangay Kagawad Genie Aglinao at Antonio Villero na natabunan ng nasunog na bahay ang isa sa mga biktima habang ang isa naman ay nahirapang huminga dahil sa makapal na usok habang nilalamon ng apoy ang kanilang tirahan.
Naisugod pa sa ospital ang isa sa mga senior ngunit idineklara ring dead on arrival.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na nagsimula alas-5:00 ng hapon sa Cabildo Street.
Isang bagong laya umano sa kulungan ang itinuturong suspek sa insidente at kasalukuyan nang hawak ng Manila Police District (MPD) para sa imbestigasyon.
Aabot sa 532 pamilya ang naapektuhan at pansamantalang nanunuluyan sa Delpan Evacuation Center.
Binisita nitong Huwebes ng hapon ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga evacuee kasama si Vice Mayor Chi Atienza upang alamin ang kanilang kalagayan.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare Director Jay Reyes Dela Fuente, pinamudmod na ang mga sleeping kit, pagkain at inuming tubig sa mga apektadong pamilya.
Bukod dito, nangako ang alkalde na magbibigay ng tig-P15,000 ayuda sa bawat pamilyang nawalan ng tirahan.
(JOCELYN DOMENDEN)
1
