CAVITE – Sugatan ang dalawa sa pitong hinihinalang tulak matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang papatakas makaraan ang isang buy-bust operation sa bayan ng Tanza sa lalawigan noong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasugatan na sina alyas “Christian” at “Rowell” habang ang iba pang naaresto ay sina alyas “Rocky”, “Kevin”, “Angelo”, “Noriel” at “Aldrin”, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26 ng Article 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:35 ng madaling araw, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDET Team ng Tanza Municipal Police Station sa Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite kung saan nakipag-transaksyon ang mga suspek sa poseur buyer.
Pero nahalata ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon dahilan upang magkanya-kanya silang karipas ng takbo kaya nagkaroon ng habulan at palitan ng putok kung saan nasugatan sina Christian at Rowel.
Bukod sa humigit kumulang sa 1.20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P8,160.00, nakumpiska rin sa mga suspek ang dalawang .38 kalibreng baril, 13 bala nito, isang fire case cartridge at buy-bust money.
(SIGFRED ADSUARA)
7
