NAARESTO ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamamagitan ng Pasong Putik Police Station 16, ang dalawang suspek na sangkot sa insidente ng “basag-kotse” sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Sa ilalim ng superbisyon ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ni PLtCol. Gemmer Tubiera, Station Commander ng PS 16, ang mga suspek sa mga alyas na “Regie,” 34, residente ng Pasong Tamo, at “Justin,” 29, residente ng Brgy. Kaligayahan.
Batay sa ulat, dakong alas-3:55 ng madaling araw noong Pebrero 17, 2026, binasag ang bintana ng gray na Toyota Vios ng complainant na nakaparada sa harap ng kanilang bahay. Tinangay ng mga suspek ang bag na naglalaman ng Glock 9mm na baril at tinatayang ₱200,000 cash.
Agad na nagresponde ang pulisya at nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek alas-5:00 ng umaga noong Pebrero 21, 2026, sa Geronimo Compound, Philand Station, Pasong Tamo.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumitaw na si “Justin,” na malapit na kamag-anak ng biktima, ang itinuturong utak ng krimen.
Narekober ang ilang ninakaw na gamit kabilang ang apat na savings passbook, iba’t ibang ID, mahahalagang dokumento, isang itim na leather wallet, at isang sling bag.
Sa beripikasyon, may nauna nang kaso si “Justin” sa paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na isinampa noong Abril 2025.
Naisampa na ang kasong pagnanakaw laban sa mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.
(PAOLO SANTOS)
3
