2 SUSPEK SA PAGDUKOT SA CHINESE STUDENT, SUMUKO

DALAWA sa mga suspek sa pagdukot sa 14-anyos na Chinese international school student sa Taguig City, ang napilitang sumuko sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nang maramdaman ang pressure mula sa tumutugis na mga awtoridad.

Ayon kay Police Major Eleonor Villaruz, Public Information Officer ng PNP-AKG, agad nilang isinilbi ang hawak nilang warrants of arrest laban sa dalawang suspek na kinilalang sina alyas “Marv” at “Tatang”, kapwa taga Pasay City, kasunod ng paglutang ng mga ito noong Setyembre 3, 2025 sa nasabi ring lungsod.

“Dahil na-identify na with the efforts of AKG, natunton kung nasaan, so nagkaroon ng pressure on their part, sumuko po sila sa AKG,” ani Villaruz.

Nahaharap ang dalawa sa kasong kidnapping for ransom with homicide under Article 267 in relation to Article 249 ng Revised Penal Code na no bail recommended at nakasampa sa Regional Trial Court Branch 153 ng Taguig City.

Magugunitang may napaulat na isang batang Chinese national ang dinukot at pinutulan pa ng daliri, ang inabandona ng mga kidnapper sa isang lugar matapos na magbayad ng ransom ang pamilya nito.

Hindi ito kinumpirma ng pamunuan ng PNP dahil isang rescue operation umano ang inilunsad kaya nabawi ang kidnap victims at naibalik nila ito sa kanyang pamilya.

Samantala, pinaslang naman umano ng mga kidnapper ang driver ng batang biktima na unang itinuturing na suspek sa pagdukot noong Pebrero 20, 2025 dahil nawawala ito subalit natagpuang patay sa loob ng isang abandonadong sasakyan sa Bulacan.

Nabatid na may lima pang mga suspek ang pakay ngayon ng manhunt operation kabilang ang ilang Chinese nationals na humingi ng $20 million ransom through Telegram.

Ayon sa pulisya, na-rescue ang biktima noong Pebrero 25 sa Macapagal Avenue sa Parañaque City habang ang gamit na sasakyan ng biktima ay nakitang abandonado sa C5 Road.

(JESSE RUIZ)

144

Related posts

Leave a Comment