MARIING itinanggi ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones ang pagkakasangkot niya sa listahan ng mga politikong umano’y tumanggap ng porsiyento mula sa mga proyekto ng pamilya Discaya.
Sa testimonya ni Curlee Discaya, may-ari ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp. at Alpha & Omega General Contractor & Development Corp., sinabi nilang may ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nanghingi ng “parte” mula sa kanilang mga proyekto.
Ayon kay Discaya, aabot umano sa 10% hanggang 25% ang hinihinging porsiyento bilang kondisyon para hindi maipit ang implementasyon ng kontrata. Ngunit sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 8, iginiit ni Briones na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.
“Mariin ko pong itinatanggi ang mga walang batayang paratang ng mga Discaya laban sa akin sa ginawang Senate hearing nitong Lunes ng umaga.
Hindi ko po alam kung ano ang motibo sa pagdawit sa pangalan ng inyong lingkod,” ani Briones. Dagdag pa ng kongresista, nakikipag-ugnayan na siya sa kanyang mga abogado upang maghain ng kaukulang kaso laban sa mag-asawang Discaya.
“Hindi natin papayagan na sirain ang ating pangalan at pagkatao na matagal nating iniingatan,” diin pa ni Briones.
220 